Nagkasundo ang Central Luzon State University sa Bauertek Corporation para sa pagtatayo ng malaking pasilidad ng mga halamang gamot.
Nitong Sabado, November 18, 2023, isinagawa ng magkabilang panig ang ground breaking ceremony para sa itatayong state-of-the-art facility sa mahigit walong ektarya na lupang pag-aari ng CLSU sa City Science of Muñoz sa Nueva Ecija.
Ang ground breaking ceremony ay mayroong apat na bahagi kung saan ito ay pagtatayuan ng mga gusali at planta ng Bauertek Corporation.
Pinangunahan nina Bauertek Corporation Pres. Regil Gomez, CLSU Pres. Dr. Edgar Ordil, Dr. Julius Cesar Sicat ng DOST Region 3, City of Science Munoz Mayor Baby Alvarez, Mr. Richard Nixon Gomez, na siyang General Manager ng Bauertek Corporation at maraming iba pa.
Sa naturang kasunduan, ipapahiram ng Central Luzon State University ang kanilang lupa sa Bauertek Corporation para sa research, cultivation, planting, processing, extraction at manufacturing.
Target na matapos ang nasabing proyekto sa September 2026 para sa soft operation.
Sabi ni Mr. Richard Gomez, makakadagdag ng employment sa Muñoz City ang naturang proyekto kung saan mangangailangan ito ng hindi bababa sa 200 katao habang makakapag-ambag ito sa local taxes ng lungsod.
Ayon naman kay CLSU Pres. Ordil, pumayag sila na ipagamit sa Bauertek Corporation ang kanilang lupa dahil wala naman silang pondo o kakayahan para i-develop ito.
Umaasa naman si Mayor Alvarez, ang mga graduate ng CLSU at estudyante ng kanilang lungsod ang magiging prayoridad na matutulungan ng nasabing pasilidad. | ulat ni Michael Rogas