Binawasan ng Senate Finance Committee ang Confidential Fund ng Department of Justice (DOJ) Office of the Secretary (OSEC) sa ilalim ng kanilang panukalang pondo para sa susunod na taon.
Sa ilalim kasi ng 2024 National Expenditure Porgram o yung panukalang pondo mula sa Ehekutibo, nasa ₱256-million pesos ang Confidential Fund ng DOJ pero sa binuong bersyon ng Senado ng panukalang pondo ay ginawa na lang itong ₱168-million.
Kabilang sa mga mabibigyan ng Confidential Fund sa ilalim ng DOJ OSEC ang Witness Protection Program; Office of Cybercrime; at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Magkakaroon rin ng hiwalay na Confidential Fund ang Bureau of Immigration (₱20-M); National Bureau of Investigation (₱175.4-M); at ang Office of the Solicitor General (₱10-M).
Pinunto naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na una nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra noong committee hearing ng kanilang budget na handa siyang i-give up ang kanilang Confidential Fund.
Kaugnay nito, sinabi ni Angara na welcome si Pimentel na mag-mosyon para alisin ang Confidential Fund ng OSG sa tamang panahon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion