Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa naulilang pamilya ng dalawang batang estudyante na natagpuang wala nang buhay sa loob ng Signal Village National High School sa Taguig.
Sa isang pahayag, sinabi ng CWC na labis itong nababahala sa sinapit ng dalawang estudyante.
Nakikiisa aniya ito sa Taguig LGU, sa Department of Education; mga magulang at kamag-aral sa layuning mapabilis ang pag-imbestiga at malaman ang dahilan ng kanilang pagkasawi.
“Tulong-tulong po tayo – gobyerno, kamag-aral at nang buong komunidad – sa pag-aruga ng kapakanan ng ating mga bata at sa pagsuporta sa kanilang mga pangangailangan tungo sa kanilang ganap na pag-unlad.”
Kasunod nito, nanawagan ito sa mga magulang na subaybayan hindi lang ang pisikal kundi maging ang mental na kalusugan ng kanilang mga anak. Mahalaga aniya na sama-samang tulungan ang mga kabataan sa kanilang mga pagsubok sa buhay.
Inihayag rin ng CWS na bukas ang kanilang MAKABATA 1383 helpline sa sinumang nais dumulog ng tulong para sa mga bata.
“Handa po ang aming mga lisensyadong social workers na pakinggan at tulungang mabigyan ng solusyon ang inyong mga sumbong at pangangailangan. Makakaasa po kayo sa tulong at suporta ng pamunuan ng CWC.” | ulat ni Merry Ann Bastasa