DA, nakabantay pa rin sa tumataas na sa presyo ng itlog sa pamilihan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakatutok na rin ang Department of Agriculture (DA) sa tumataas na bentahan ng itlog sa pamilihan.

Sa Muñoz Market, wala ka nang makikitang ₱7 na kada piraso, dahil ngayon ang pinakamaliit ay nasa ₱7.50 hanggang ₱8.00 na ang kada piraso.

Ang medium size naman ay nasa ₱8.50 na ang kada piraso.

Maging sa monitoring ng DA Bantay Presyo, naglalaro na sa ₱7.00-₱9.50 ang kada piraso ng medium size na itlog sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Ayon sa ilang tindera, sanay na raw silang tumataas talaga ang bentahan ng itlog habang papalapit ang Kapaskuhan.

Sa ngayon, nagrereklamo na nga raw ang mga mamimili lalo na ang mga suki nilang may mga karinderya at mga bakery na maramihan kung gumamit ng itlog.

Ang diskarte nga raw ng ilan, pinakamaliit na lang na size ng itlog ang binibili para lang makatipid.

Ayon naman kay DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano, tinutugunan na nila ang mahal na patuka para mapababa ang presyuhan ng itlog sa pamilihan.

Kasama sa hakbang nito ang paramihin ang mais sa bansa. Katunayan, nung nagsara umano ang mga planta ng asukal sa Western Visayas, lahat ng magsasaka ng tubo ay pinagtatanim na ngayon ng mais.

Bukod sa patuka, maging ang problema sa Avian Influenza o Bird Flu ay tinutugunan na rin. Katunayan, naglabas na ng guidelines ang DA sa pagbabakuna kontra Bird Flu.

Inaasahan naman ni Usec. Savellano na panandalian lamang ang pagtaas ng presyo ng itlog ngayong Kapaskuhan. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us