Pinagana na ng Department of Agriculture (DA) ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Centers nito kasunod ng pag-iral ng malalakas na pag-ulang dulot ng shear line sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon sa DA, nakatutok na ito at nakikipag-ugnayan na sa NGAs, LGUs, at iba pang DRRM-related offices kaugnay ng impact ng shear line.
Regular na rin anila itong nagpapalabas ng bulletin para maabisuhan ang kanilang mga regional office lalo na ang mga posibleng makaranas ng mga malalakas na pag-ulan at baha.
Kabilang sa mino-monitor ng DA ang mga lagay ng mga pananim at pangsidaan sa Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Northern Samar.
Una nang inabisuhan ng kagawaran ang mga magsasaka na mag-imbak na ng kanilang mga binhi at iba pang farm inputs; ilikas ang kanilang mga alagang hayop sa mas ligtas na lugar, at itago na rin ang mga kagamitang pansaka at mga makinarya.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong tuloy-tuloy na ang paghahanda para ayudahan ang mga maapektuhang magsasaka at mangingisda. | ulat ni Merry Ann Bastasa