Pinangunahan ni Philippine Navy Chief Vice Admiral Toribio Adaci Jr. ang delegasyon ng Philippine Navy na dumalo sa steel-cutting at keel-laying ceremony para sa dalawang bagong barko ng Philippine Navy sa HD Hyundai Heavy Industries (HD HHI) Shipyard sa Ulsan, Republic of Korea.
Ito ang hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon ng dalawang bagong corvette, na kinontratang bilhin ng Pilipinas noong 2021 sa halagang 28-bilyong piso.
Ayon kay Phil. Navy Spokesperson Capt. Benjo Negranza, ang dalawang bagong corvette ay makakatulong sa pagpapalakas ng Naval defense capability ng Phil. Navy.
Kaapag makumpleto, ang dalawang corvette ay magkakaroon ng “state of the art weapons”, na may kapabilidad sa Anti Air Warfare, Anti Surface Warfare, at Anti Submarine Warfare Operations.
Sinabi ni Capt. Negranza na ang dalawang bagong barko ay gagamitin sa pagtatanggol ng “sovereign rights” at “National maritime interests” ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne