Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakauwi na ng bansa ang dalawang pinoy seafarers na nasugatan sa missile attack sa Ukraine.
Ayon kay DMW Officer In-Charge Hans Cacdac, dumating kagabi sa Clark International Airport sa Pampanga ang dalawang OFW sakay ng Qatar Airways flight QR930.
Isa sa mga nakauwing seafarer ay nabalian ng kaliwang kamay.
Tiniyak ni Cacdac na makatatanggap ng financial assistance mula sa pamahalaan ang mga nakauwing Pinoy seafarers.
Tutulong din ang DMW na mabigyan sila ng kabuhayan kung nais pa nilang magbalik trabaho sa barko.
Sasailalim din sila sa medical checkup at psychosocial counseling.
Kabilang ang dalawang OFW sa mga nasugatang tripulante ng Liberian-flagged ship na KMAX Ruler na tinamaan ng Russian missile habang nakadaong malapit sa Odesa, Ukraine nitong buwan ng Nobyembre.| ulat ni Rey Ferrer