Pinuri ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. ang balik-loob program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao na bahagi ng pagbibigay ng tulong sa mga nagbabalik-loob na rebelde sa pamahalaan.
Sa kaniyang pananalita sa pamamahagi ng insentibo kahapon sa anim na tinatawag na ngayong ‘friends rescued’, sinabi ng kalihim na daan ito, kasama ang mga programa sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan para mabigyan ng bagong pagkakataon ang mga nasa kilusan.
Malaki man ang halaga ng naibibigay sa mga ito, aniya, ngunit nakapakarami ng benepisyo ng ganitong hakbangin para sa bansa.
Sa pamamagitan nito ay mapapaalis at malalabanan ang pagkalat ng ideolohiya ng mga CTG na problema sa buhay ng mga Pilipino.
Sa katunayan, ayon sa kalihim, wala nang ideolohiya sa kasalukuyan, at ang kailangan ngayong ideolohiya ay ang pagkakaisa ng bansa, progreso, teknolohiya, connectivity, imprastraktura, food security, maging ng energy security.
Sa ilalim ng balik-loob program, mapagkakalooban ng P500,000 halaga ng insentibo ang bawat rebeldeng susuko, at kasama ring mapagkalooban ang informant o naging tulay sa pagsuko ng mga ito.
Sa aktibidad kahapon, aabot sa isang milyong piso ang cash reward na natanggap ng isang informant sa pagsuko ng isang dating NPA leader. | ulat ni April Racho | RP Tuguegarao