Sumakabilang buhay na ang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) at ngayo’y undersecretary na ng Department of Health (DOH) na si Camilo Pancratius. Cascolan.
Ito ang kinumpirma ng anak ni Cascolan na si Jiro sa kaniyang Facebook post ngayong gabi.
Ayon kay Jiro, mapayapang lumisan sa mundo ang kaniyang ama dakong alas-5:28 ng hapon sa piling ng kaniyang pamilya.
Si Cascolan o si “Pikoy” sa kaniyang malalapit na kaibigan ay nagsilbing ika-24 na PNP Chief sa ilalim ng nakalipas na administrasyon at itinalaga naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang undersecretary ng DOH.
“My dad dedicated his life to serving and protecting our country as a man of service for 42 years. We will forever remember his unwavering dedication to his duty, his selflessness, and his love for his family. His loss leaves a void that can never be filled, but we find solace in knowing that his memory will live on through the countless lives he touched,” saad ni Jiro Cascolan sa kaniyang FB post.
Bago pa man maupo bilang PNP Chief, si Cascolan na ang siyang nasa likod ng “Oplan Double Barrel” kung saan naman naka-angkla ang “Oplan Tokhang” sa War on Drugs na ipinatupad sa panahon ng kaniyang mistah na si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Dalawang buwan lamang naupo si Cascolan bilang PNP Chief noong 2020 kasunod ng kaniyang iba pang mga mistah na sina dating PNP Chief Archie Francisco Gamboa at Oscar Albayalde.
Sina Dela Rosa, Albayalde, Gamboa, at Cascolan ay pawang mga miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986.
Siya rin ang nasa likod ng paglikha ng Area Police Command sa PNP mula sa dating Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) kung saan, itinulad niya ito sa Area Command ng Armed Forces of the Philippines na dapat pamunuan ng isang Lieutenant General o 3-star rank.
Taong 1992 nang magsimula ang karera ni Cascolan sa PNP kung saan siya humawak ng iba’t ibang posisyon kabilang na ang pagiging miyembro ng PNP Command Group, Hepe ng National Capital Region Police Office, Civil Security Group, Provincial Director ng Compostella Valley na ngayo’y Davao de Oro, at Chief of Police ng Taguig City.
“He will forever remain in our hearts as a shining example of courage, dedication, and love. May his soul rest in eternal peace. More details on the visitation service to honour and celebrate his life will follow,” wika pa ni Jiro sa kaniyang post.
Nabatid na ilang buwang na-comatose si Cascolan matapos itong gupuin ng aneurysm subalit nakaligtas din makalipas ng isang taon bago siya tuluyang pumanaw. | ulat ni Jaymark Dagala