Walang balak ang Department of Justice na magbigay ng opinion sa inihain resolusyon sa Kamara de Representantes na nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na makipag tulungan sa International Criminal Court para imbestigahan ang madugong war on drugs ni dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesman Mico Clavano, may hiwalay na trabaho ang Kongreso na hindi maaaring panghimasukan ng executive branch tulad ng DOJ.
Sa ngayon, magmamasid lamang ang DOJ sa mga talakayan at debate sa Kamara kaugnay sa panawagan na papasukin ang ICC sa bansa upang mag-imbestiga sa war on drugs.
Kaninang umaga, sinimulan na ng House committees on justice and human rights ang mga House Resolutions No. 1393 at 1477, na humihikayat sa pamahalaan na papasukin ang nga kinatawan ng ICC para magsagawa ng sariling pagsisiyasat sa war on drugs.
Pero sa mga nakaraang panayam, naninindigan si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na wala ng jurisdiction ang ICC sa Pilipinas dahil kumalas na ito. | ulat ni Michael Rogas