Sa layuning makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan, ibinida ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang potensyal ng turismo sa Pilipinas sa ginanap na 2023 Philippine Economic Briefing (PEB) sa San Francisco, USA.
Bahagi ito ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa APEC Summit, kung saan ipinakita nito ang determinasyon ng administrasyon na palaguin ang sektor ng turismo.
Ibinida ni Secretary Frasco ang “Build Better More Program” ng administrasyon, na naglalaman ng mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang ang mahigit 158-km na kalsada na ginawa o na-rehabilitate patungo sa iba’t ibang destinasyon sa bansa.
Nakatutok din ang DOT sa pagsasaayos ng mga paliparan, pantalan, at mga pasilidad para sa mga turista.
Binigyang diin din ni Frasco ang ugnayan ng iba’t ibang sektor para sa komprehensibong pag-unlad ng turismo sa bansa.
Ito na ang ika-12 international PEB sa ilalim ng administrasyong Marcos, na nagpapatibay sa Pilipinas bilang kaakit-akit na destinasyon para sa mga dayuhang mamumuhunan.| ulat ni EJ Lazaro