Matapos yanigin ng magnitude 6.8 na lindol kahapon ng hapon ang isla ng Saranggani sa Davao Occidental, patuloy ang pagkilos ng pamahalaan para masiguro ang kaligtasan ng lahat matapos ang malakas na pagyanig.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), isang bahagi ng kalsada partikular na ang Buayan – Glan Road sa Barangay Buayan, Lungsod ng General Santos ay pansamantalang hindi madaanan dahil sa settlement issue sa kahabaan ng Buayan Bridge.
Maliban dito, siniguro naman ng DPWH na maayos at ligtas ang mga imprastruktura para sa mga apektadong komunidad.
Ayon pa sa kagawaran, sa ngayon, lahat ng national roads at tulay sa ibang apektadong lugar ay maaring madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Kasalukuyang patuloy naman ang isinasagawang pagsusuri, assessment, at paglalagay ng mga signages kasabay ng post-earthquake assessment at monitoring ng DPWH sa iba pang national roads at tulay sa rehiyon. | ulat ni EJ Lazaro