Sinampahan ng kasong kriminal ng Land Transportation Office ang driver at may-ari ng colorum passenger van sa gitna ng agresibong anti-colorum campaign ng ahensya sa buong bansa.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, kasong paglabag sa Republic Act 11659, o ang Public Service Act ang isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa driver na si Benito Ollete, ng Tondo, Manila at operator na si Julhapas Tantong ng Marilao, Bulacan.
Ang kasong isinampa ay may katapat na multang hindi hihigit sa P2-milyon, o pagkakulong ng mula anim na taon hanggang 12 taon.
Sinabi ni Mendoza na patunay lamang ito na seryoso ang LTO na wakasan ang ganitong klaseng iligal na gawain na nakakaperwisyo sa mga lehitimong transport operators.
Batay sa reklamo, hinuli ng mga tauhan ng LTO ang van na may plakang CAY 7184 sa Balintawak, Quezon City habang lulan ang 17 pasahero.
Nabigo ang driver na magpakita ng dokumento na awtorisado ang sasakyan na gamitin bilang PUV.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence reports ng talamak na operasyon ng mga colorum na sasakyan na dumadaan sa ruta ng Quezon City patungong Bulacan at vice versa. | ulat ni Rey Ferrer