Nakaalerto na ang mga regional office ng Department of Social Welfare and Development sa Mindanao matapos na tumama ang magnitude 6.8 na lindol sa Sarangani Island, Davao Occidental.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, binigyang direktiba na niya ang lahat ng mga regional director ng ahensya sa Mindanao na tiyakin na ang lahat ng mga apektadong indibidwal ay mabibigyan ng tulong sa lalong madaling panahon.
Mayroon na rin aniyang mga naka-preposition na food at non-food relief items na maaaring magamit para sa mga apektadong pamilya.
Bukod dito ay nakaalerto na rin ang DSWD Disaster Response Management Group upang masigurong mabibigyan ng tulong ang lahat ng mga apektadong lugar.
Batay sa datos ng DSWD-DRMG, nasa Php1.43 billion na halaga ng food at non-food items ang mayroon ang disaster response teams ng ahensya sa buong bansa.
Habang nasa 140,579 family food packs ang accessible sa DSWD Field Offices sa Northern Mindanao, Davao Region, SOCCKSARGEN, at iba pang lugar na maaaring apektado ng lindol. | ulat ni Diane Lear