Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng mga pag-ulan at bahang dulot ng LPA at shear line.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa halos ₱34-milyong pisong halaga ng ayuda ang naihatid sa 920 apektadong barangays sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Kabilang dito ang family food packs na naipamahagi ng DSWD Field Office 8 sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa Barangay Tawagan, Conception at Cagsalay sa Arteche, Eastern Samar.
Samantala, as of November 22 ay umabot na sa higit 193,000 pamilya o katumbas ng higit 700,000 na indibidwal ang naitalang apektado ng shear line.
Mula sa bilang na ito, nasa 14,718 pamilya o 58,650 ang nananatili sa evacuation centers.
Bukod dito, may higit sa 9,000 pang pamilya ang nakikitira sa kanilang mga kaanak.
Umakyat na rin sa 15 kabahayan ang naitala ng DSWD na napinsala ng shear line habang 65 ang partially damaged. | ulat ni Merry Ann Bastasa