Iniulat ni DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez na umakyat na sa P11-M ang nailaang humanitarian assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 6.8 earthquake sa Mindanao.
Ayon kay Asec. Lopez, pinaigting ng DSWD ang koordinasyon nito sa mga LGU para mapabilis rin ang paghahatid ng family food packs (FFPs) at cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sa ulat ng DSWD Field Office 11 (Davao Region), nasa 1,015 FFPs na ang naipamahagi nito sa mga apektadong pamilya sa Don Marcelino at Sarangani sa Davao Occidental.
Habang aabot naman sa 8,200 food boxes ang ipinaabot ng DSWD Field Office 12 (SOCCSKSARGEN) sa lalawigan ng Sarangani, at sa Glan, at General Santos City.
Maliban dito, mayroon na ring 2,317 benepisyaryo sa General Santos City at maging sa Glan at Saragani ang tumanggap na ng cash assistance mula sa DSWD.
“The DSWD remains steadfast in our mission to provide timely and efficient assistance to communities affected by the earthquake,” Asst. Sec. Lopez.
Kasunod nito, tiniyak naman ng DSWD na may sapat itong pondo para matugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng lindol.
Katunayan, mayroon pa itong P2.8-B halaga ng standby funds at stockpile na maaaring ilaan sa mga apektado ng lindol. | ulat ni Merry Ann Bastasa