Nagpaalala ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) 11 sa mga consumers na planuhin ang bibilhing Noche Buena products ngayong papalapit na ang Kapaskuhan dahil sa pagtaas ng presyo nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni DTI 11 Regional Director Maria Belenda Q. Ambi na mayroong 1.3% hanggang 12.7% na pagtaas sa ilang produkto mula sa price guide nitong nakaraang taon.
Ayon kay Ambi, ang nasabing price guide ay resulta ng ginawang review ng DTI Consumer Protection Group (CPG) mula sa mga proposal ng price adjustments ng ilang manufacturers.
Mayroong 12 categories at 240 stock-keeping units (SKUs) ang nasabing Noche Buena price guide gaya ng ham, keso de bola, fruit cocktail, cheese, sandwich spread, all-purpose cream, mayonnaise, pasta, elbow macaroni, salad macaroni, spaghetti sauce, at. tomato sauce.
Ang nasabing pagtaas ay bunsod ng pag-akyat ng presyo ng imported at local raw materials, packaging materials, mataas na cost of labor, power at delivery expenses.
Resulta umano ito ng inflation at paghina ng Philippine peso laban sa dolyar. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao