Tiniyak ng Eastern Police District (EPD) na may sapat silang mga tauhan na ipakakalat sa mga lugar sa kanilang nasasakupan na maaapektuhan ng ikinasang tigil-pasada ng grupong PISTON ngayong araw.
Sa mensaheng ipinaabot sa Radyo Pilipinas ni EPD Director, Police Brigadier General Wilson Asueta, layon nito na siguruhing ligtas at mapayapa ang ikinasang kilos protesta ng mga grupong pangtransportasyon.
Tiniyak ni Asueta na nakahanda rin ang kanilang mobility assets sakaling kailanganin bilang suporta naman sa mga ipakakalat na sasakyan ng iba pang ahensya gayundin ng mga Lokal na Pamahalaan para mag-alok ng libreng sakay.
Samantala, kumpiyansa naman ang Pasig LGU na hindi gaanong maaapektuhan ng tatlong araw na tigil-pasada ang mga apektadong ruta sa kanilang lungsod.
Pero para makasiguro ay magpapakalat din sila ng Libreng Sakay at kanilang imo-monitor ang lagay ng mga lansangan sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sinabi ng Pasig LGU na tuloy ang face-to-face classes sa kabila ng nasabing transport strike. | ulat ni Jaymark Dagala