Lumagda sa isang Memorandum of Agreement sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson at concurrent MMFF Overall Chairperson Atty. Don Artes at Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairman at CEO Tirso Cruz III.
Ito’y para sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga opisyal na pelikulang kalahok sa ika-49 Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre.
Nakasaad sa naturang kasunduan na magbibigay ang FDCP ng P500,000 na pondo sa bawat official entries ng MMFF para magamit sa festival campaign, marketing, at ibang kinakailangang gastusin na may kinalaman sa idaraos na film fest.
Bahagi ito ng mga programa ng CreatePH Films ng FDCP na nagbibigay suporta sa Filipino filmmakers sa iba’t ibang bahagi ng filmmaking process para makabuo ng dekalidad na pelikula.
Mapapanood sa mga sinehan ang MMFF official entries simula sa araw ng Pasko, Disyembre 25 hanggang sa Enero 7, 2024. | ulat ni Jaymark Dagala