Ang presensya ng algal bloom o labis-labis na lumot ang nakikitang rason ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa nangyaring fish kill sa Cañacao Bay, Cavite City nitong Lunes.
Ayon sa BFAR, ito ang lumabas sa kanilang inisyal na assessment sa lugar kung saan tone toneladang blackchin tilapia ang namataang nagsilutangan.
Paliwanag ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera, bumagsak ang dissolved oxygen level sa naturang lugar na dulot ng pagkakaroon ng algal bloom.
Dagdag pa nito, isang natural phenomenom lalo sa katubigan ang algal bloom at kadalasang hindi tukoy kailan ito susulpot at kailan din mawawala.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng BFAR na wala itong nakikitang malaking impact ng fish kill sa kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar dahil wala naman gaanong commercial value ang naapektuhang blackchin tilapia.
Sa kabila nito, patuloy pa rin aniya ang pagagapay at pagbibigay ng technical support ng BFAR sa mga mangingisda sa lugar. | ulat ni Merry Ann Bastasa