Gawad Taga-Ilog 4.0 ng DENR-NCR, aarangkada na

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pormal nang inilunsad ngayon ng Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR-NCR) ang ‘Gawad Taga-llog: Search for the Most Improved Estero’ o GTI 4.0 na aarangkada sa Metro Manila.

Ito na ang ikaapat na taon ng patimpalak na naghihikayat sa aktibong pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga ilog at estero ng Metro Manila, bilang suporta sa Manila Bay Rehabilitation.

Sa inilabas na guidelines ng DENR, mayroong dalawang kategoryang paglalabanan ang LGUs kabilang ang Category A na para sa mga hindi pa nanalo bilang most improved estero sa mga nakalipas na taon habang ang Category B naman ay para sa mga una nang nagwagi sa GTI na magiging #BattleForSustainability.

Kabilang sa susukatin sa naturang kompetisyon ang mga ginagawang hakbang ng LGU sa kanilang solid at liquid waste, informal settler families at illegal structures, habitat and resources, at sustainability and partnership management.

Lahat ng 17 LGUs ay hinihikayat na makibahagi sa kompetisyon. Ang mga magiging nominadong estero ay sasailalim sa screening process, field validation, at deliberasyon.

Tatakbo ang GTI 4.0 mula Nobyembre hanggang sa Pebrero ng 2024 habang target namang isagawa ang awarding ceremony nito sa March 22, 2024 kasabay ng World Water Day.

Ayon kay DENR-NCR Regional Dir. Jacqueline Caancan, malaki ang magiging papel ng mga LGU kasama ang mga barangay official para maitaguyod ang mga hakbang na malinis ang bawat daluyan ng tubig sa Metro Manila, at mahikayat rin ang mga residente na maging responsable sa pagtatapon ng basura at tumulong sa pangangalaga ng kapaligiran. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us