Halfway houses para sa mga inabusong kababaihan at kabataan, pinatatayo ng isang mambabatas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hiniling ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang agarang pag-apruba sa kanyang House Bill 8985 na layong magtayo ng halfway houses sa buong bansa na magsisilbing kanlungan at proteksyon ng mga inabusong kababaihan at mga bata.

Aniya sa kabila kasi ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act ay laganap pa rin ang gender-based violence.

Tinukoy nito ang datos ng Philippine National Police (PNP), kung saan nakapagtala ng 7,424 na kaso ng paglabag sa RA 9262 noong 2022 at 8,430 naman noong 2021.

Batay sa panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagpapatayo at pamamahala ng kahit isang halfway house sa kada probinsya.

Ang LGU ng mga highly urbanized cities, independent cities at component cities ay pinagtatayo rin ng kanilang halfway house.

“Halfway houses shall be used by the DSWD and LGUs solely to accommodate abused women and children in pursuit of the victim’s immediate relief, reintegration, protection, support, and treatment, with a maximum of ninety (90) days of accommodation,” sabi sa panukala.

Nakasaad din sa panukala na ang kustodiya ng inabusong indibidwal ay mapupunta sa pinakamalapit na miyembro ng pamilya o guardian na tutukuyin ng registered social workers.

Ibibigay sa babaeng biktima ang kustodiya ng kaniyang anak o mga anak at bibigyan ng suporta.

Awtomatiko ring ibibigay sa ina ang kustodiya ng mga bata na pitong taong gulang o mas matanda na may mental o physical disability.

Ibibigay rin ang kustodiya pabor sa mga kababaihan kahit pa ito ay nakararanas ng battered wife syndrome.

“A victim who is suffering from battered woman syndrome shall not be disqualified from having custody of her children and in no case shall custody of minor children be given to the perpetrator of a woman who is suffering from battered woman syndrome.” saad sa panukala.

Ang panawagan ni Duterte para sa aksyon ng Kongreso ay kasabay ng paggunita sa National Children’s Month at ang taunang 18-day Campaign to End Violence Against Women sa November 25. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us