Ipinagmalaki ng Department of Tourism (DOT) na nakapagtala ang Pilipinas ng 4.8 o halos 5 milyong international tourist arrivals bago matapos ang 2023.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Ma. Christina Frasco sa kaniyang pagdalo sa 1st Philippine Golf Tourism Summit kahapon.
Ayon kay Frasco, mula sa nasabing bilang, nasa 4.3 milyon o mahigi 91 porsyento rito ay pawang mga foreign tourist habang ang nalalabing mahigit 391,000 rito o mahigit 8 porsyento ay mga umuwing overseas Filipino.
Nanguna ang South Korea sa mga bansang may pinakamataas na international tourist arrivals sa Pilipinas na may mahigit isang milyon na sinundan ng Amerika, Japan, China, at Australia.
Binigyang-diin ni Frasco na ang pagsuporta ng administrasyong Marcos sa sektor ng turismo ay lubhang napakahalaga upang makamit ang mga layunin at pangarap ng kagawaran para sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala