Aabot sa halos 6,000 pamilya ang apektado ng baha sa lungsod ng Davao bunsod ng malakas na ulan dahil sa easterlies at localized thunderstorm.
Ayon kay Retired Colonel Alfredo Baloran, hepe ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), pinakamarami nito ay mula sa Brgy. Talomo Proper na umabot sa 1,800 pamilya ang apektado.
Pumangalawa naman ang Matina Aplaya na nasa 1,612 pamilya ang apektado ng baha at 1,011 sa Brgy Bago Gallera.
Kabilang narin sa mga binahang barangay ang Bago Aplaya, Baliok, Catalunan Pequeño, Maa at Sto Niño sa Tugbok District nitong lungsod.
Samantala, nasa anim na bahay naman ang totally damaged at apat ang partially damaged.
Ilang sasakyan rin ang inanod ng baha kabilang na ang mahigit sampung 4-wheel vehicle at sampung motorsiklo.
Patuloy naman ang ginagawang clearing operation ng City Engineer’s Office kasama ang Ancillary Services Unit at City Environment and Natural Resources Office lalo na sa mga kanal kung saan maraming kahoy at basura na ang nakabara. | ulat ni Sheila Lisondra | RP1 Davao