Binigyang parangal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na naging masigasig sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Pinangunahan mismo ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr ang 2023 Anti-Drug Abuse Council Performance Awarding Ceremony na idinaos sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Quezon City.
Taunang parangal ito ng DILG na iginagawad sa mga LGU na epektibong nagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa laban kontra iligal na droga kabilang ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA Program – na nationwide anti-illegal drugs advocacy ng pamahalaan.
Sa unang bahagi ng programa, kinilala ang mga best performing ADAC mula sa Visayas at MIndanao habang mamayang hapon naman ay nakalinya ang mga awardee sa Luzon.
Sa kabuuan, nasa 246 LGUS ang paparangalan ngayong araw na makakatanggap rin ng cash incentive.
Ayon sa DILG, napili ang mga LGUs batay sa kanilang Anti-Drug Abuse Council (ADAC) functionality at pagpapanatili ng drug-free o drug-cleared status.
Mayroon ding special award sa mga LGU na mahusay sa pagpapatupad ng Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP).
Sa kanyang talumpati, ibinahagi naman ni Sec. Abalos na dahil sa epektibong kampanya kontra iligal na droga ay umabot na sa higit P20-B ang halaga ng nakukumpiskang iligal na droga ng pamahalaan mula sa hgit 60,000 ikinasang operasyon mula July 2022 hanggang nitong Oktubre ng 2023.
Dumalo rin sa pagtitipon si Sen. Bato dela Rosa na nangako namang patuloy na itutulak ang panukala para ma-institutionalize ang gampanin ng ADAC sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa