Patuloy ang ikinakasang hot pursuit operation ng kapulisan para sa paghuli ng pumatay sa bagong halal na punong barangay sa Panabo City, Davao del Norte nitong Martes ng hapon, Nobyembre 7.
Sa report na inilabas ng Police Regional Office 11 (PRO 11) kagabi, patuloy ang Panabo City Police Station sa pagtugis ng mga salarin kay Engr. Paul Albert Saquian na siyang nanalo bilang Punong Barangay ng Datu Abdul, sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng kapulisan, pauwi umano ang biktima mula sa Barangay New Visayas sakay ng kanyang kotse nang pagbabarilin ito ng naka-motorsiklong mga suspect bandang alas 3 kahapon.
Nang makitang duguan at wala ng malay ang biktima, agad na tumakas ang mga suspects papunta sa sentrong bahagi ng lungsod.
Itinakbo pa sa Rivera Hospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay pasado alas 4 ng hapon.
Patuloy rin inaalam ng mga imbestigador ang posibleng motibo sa pagpaslan sa kakapanalong opisyal. | ulat ni Armando Fenequito| RP1 Davao