Lusot na sa House Committee on Justice ang pinag-isang panukala para i-upgrade at dagdagan ang posisyon sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).
Ayon kay OGCC Government Corporate Counsel Rogelio Quevedo, suportado nila ang panukala na pagtatama sa ginawang veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong July 2022 patungkol sa pagsasaayos ng plantilla position sa OGCC at kanilang organizational structure.
Vineto ng pangulo ang naunang panukala dahil sa ‘excessive’ salary ng OGCC lawyers.
Ngunit paalala ni Quevedo sa mga mambabatas, kumpara sa Public Attorneys Office (PAO) at Office of the Solicitor General (OSG) ang rate ng sahod at bakanteng posisyon para sa OGCC ay hindi nagbago mula pa noong 1980s.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit hamon sa kanila ngayon na kumuha ng mga abogado na mas pinipili ang private practice dahil sa mas malaking sweldo.
Ayon kay Quevedo ang OGCC ang nagsisilbing corporate legal counsel ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, PAGCOR at ngayon ang Maharlika Investment Corporation. | ulat ni Kathleen Jean Forbes