Tuloy-tuloy pa rin ang pagpapaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapaektuhan ng mga pag-ulang dulot ng shear line gayundin ang Magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental.
Batay sa tala ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of November 27, nasa higit ₱188-million na ang halaga ng naipaabot nitong humanitarian assistance sa mga apektadong pamilya.
Nasa ₱128-million ang nailaan para sa mga apektado ng shear line sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.
Habang aabot naman sa ₱60-million ang naipaabot sa mga lalawigan sa Region 11 at 12 na tinamaan kamakailan ng lindol.
Kasunod nito, tiniyak ng DSWD na sapat pa ang pondo nito pang-ayuda sa mga naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon sa kagawaran, nananatiling nakahanda ang nasa ₱2.9-bilyong halaga ng stockpiles at standby funds ng DSWD para tumugon sa mga biktima ng lindol at iba pang kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa