Hustisya para sa napatay na kagawad sa Pasay City, tiniyak ng NCRPO

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ihahatid nila ang katarungan sa pamilya ng kahahalal pa lamang na Kagawad ng Brgy. 37 sa Pasay City na si Lina Censon Camacho.

Ito ang inihayag ni NCRPO Director, Police Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. makaraang masakote na ang isa sa mga suspek sa krimen na kinilalang si Vladimir Del Valle Catubay na siyang nagmamaneho ng motorsiklo na ginamit sa krimen.

Ayon kay Nartatez, bunga ng pinaigting na pagpapatrolya ng Pasay Police, agad nasakote si Catubay may 300 metro mula mismo sa pinangyarihan ng krimen.

Matapos maaresto si Catubay, sinabi ng NCRPO chief na ikinanta na nito ang mga posibleng pinagtataguan ng mismong gunman na hindi na muna pinangalanan.

Dahil dito, sinabi ni Nartatez na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang yunit ng Pulisya para sa agarang ikadarakip ng suspek na nananatiling at-large.

Magugunitang November 6 nang mangyari ang krimen sa mismong Barangay Hall ng Brgy. 37 sa San Juan Street, Pasay City kung saan, nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo na nagresulta sa aragan nitong kamatayan. | ulat ni Jaymark Dagala

📸: Pasay Police Station

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us