Matagumpay na nagtapos ang ika-37 Coordinated Border Patrol (CORPAT) ng Pilipinas at Indonesia (PHILINDO) kahapon.
Ang Closing Ceremony sa Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM) Headquarters sa Panacan, Davao City, ay pinangunahan ni Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM) Commander Commodore Carlos Sabarre na kumatawan kay EastMinCom Commander Lieutenant General Greg Almerol.
Habang si First Admiral TNI Teguh Prasetya, ang Commander of Maritime Security Task Force, 2nd Fleet Command, Indonesian Navy, ang nanguna sa delegasyon ng Indonesia.
Ang CORPAT ay sabayang pagpatrolya sa karagatan ng Philippine at Indonesian Navy na may apat na yugto kada taon, sa layong mapahusay ang interoperability ng dalawang pwersa kontra sa piracy, illegal crossing, at iba pang transnational criminal activities.
Ang huling yugto sa taong ito na isinagawa mula November 10 hanggang 14, ay nilahukan ng BRP Artemio Ricarte (PS-37) ng Philippine Navy at KRI TONGKOL-813 ng Indonesian Navy. | ulat ni Leo Sarne