Darating na sa Biyernes, November 17 ang ika-8 batch ng Overseas Filipino Workers na mula sa Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers, nasa 32 Pilipino kasama ang isang sanggol ang uuwi na ng bansa.
Ngunit nilinaw naman ng ahensya na maaari pang mabago ang bilang ng uuwi dahil may ilang Pinoy ang pinoproseso na rin ang pagsama sa grupo ng MWO-Tel Aviv at PE- Tel Aviv.
Inaasahang lalapag sa sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang mga Pinoy repatriate bandang 3:00 ng hapon sakay ng Etihad Airways flight EY424.
Samantala, tiniyak naman ng DMW na maibibigay agad ang tulong mula sa pamahalaan para sa mga OFW at nakahanda rin silang salubungin ng mga ito sa NAIA.
Kabilang sa sasalubong ang Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration at iba pang ahensya susundan naman ito ng medical check-up ng mga Pinoy repatriate upang matiyak na maayos ang kanilang kalagayan at ang kanilang kalusugan. | ulat ni AJ Ignacio