Mariing kinondena ni Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos ang pamamaril sa dalawang katao sa loob ng bus ng Victory Liner.
Aniya paalala ito na kailangan ng mas mahigpit na seguridad para sa kapakanan ng mga mananakay na gumagamit ng pampublikong transportasyon.
Dalawa sa pasahero ang pinagbabaril ng hindi pa kilalang gunmen habang nasa biyahe mula Nueva Ecija.
Apela ng mambabatas na agad maglabas ng enhanced image ng mga suspek na nakuha mula sa CCTV ng bus.
“We call upon the law enforcement agencies to conduct a thorough and swift investigation into this heinous crime. The perpetrators of this act must be brought to justice swiftly. The dashcam footage of the suspects is now viral online. Cops must release enhanced images/photos of the perpetrators so the public can help track them down,” sabi ni Delos Santos.
Pinakikilos naman ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co ang DILG at DOTr na maglatag ng mga mekanismo para masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero.
Ipinapakita lamang aniya ng insidente na kahit may CCTV o security camera na sa loob ng bus ay hindi nito napigilan ang pagpatay ng mga suspek.
“Hindi na bago itong mga insidente ng pagpatay at pamamaril sa bus. Dati na ring biktima ang mga bus ng ambush, panununog, at pambobomba. Pero ngayon, may patunay nang hindi napipigilan ng basta mga CCTV o security camera ang mga patayan sa loob ng bus. Kasi hindi natatakot sa security cam ang mga hired hitman,” ani Co.
Mungkahi ng mambabatas, magtalaga ng mga lokasyon kung saan lang maaaring mag-pick up ng pasahero gaya ng barangay o city hall o police check point upang makapagsagawa na rin ng security check ang mga awtoridad.
Ganito rin ang hiling ni House Committee on Public Order and Safety Vice Chair Reynan Arrogancia sa PNP at DILG.
Malaking tulong aniya kung may mga pulis at tanod na magsasagawa ng security check sa mga commuter at kanilang bagahe sa mga bus stop. | ulat ni Kathleen Jean Forbes