Nanghihinayang ang ilang may-ari ng karinderya sa mga nasasayang na kanin ng kanilang mga customer lalo’t hindi nauubos ng mga ito ang serving na ibinibigay sa kanila.
Ayon kay Jen, may-ari ng karinderya sa San Juan City, wala naman silang magawa sa mga customer na hindi nakakaubos ng kanin kaya’t para hindi masayang ay kanila na lamang itong isinasama sa pakain sa mga alagang aso.
Una nang lumabas sa datos ng Department of Agriculture na dalawang kutsarang kanin ang nasasayang ng bawat konsyumer bawat araw o katumbas ng 7.2 bilyong piso kada taon.
Ayon sa Philippine Rice Research Institute o PRRI, kaya na sana nitong mapakain ang may 2.5 milyong Pilipino.
Giit ng PRRI, marami ang takaw-mata sa pagkain subalit hindi naman kayang ubusin.
Kaya naman hinimok ng PRRI ang publiko na maging RICEponsible o maging responsable sa pagkonsumo ng pagkain. | ulat ni Jaymark Dagala