Tinutukan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang unang araw ng pagpapatupad ng mas mataas na multa laban sa mga lumalabag sa EDSA Bus Lane.
Pinangunahan mismo ni MMDA Acting Chair Romando Artes kasama pa si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza ang operasyon sa bahagi ng Ortigas Bus Lane kung saan ilang motorista ang maagang nasampolan.
Karaniwang paliwanag ng ilan sa mga nasita ay dahil nagmamadali nang pumasok sa trabaho.
Kahit anong paliwanag naman ng mga nahuhuling motorista, hindi na nakakalusot pa ang mga ito dahil tinitiketan na sila ng MMDA.
Simula ngayong araw, ang mga lalabag sa exclusive city bus lane/EDSA Carousel lane regulation ay pagmumultahin na ng P5,000 para sa first offense, P10,000 sa second offense, isang buwang suspensyon ng Driver’s License, P20,000 para sa third offense at dagdag na isang taong suspensyon ng Driver’s License; at P30,000 para sa fourth offense at rekomendasyon na bawian ang Driver’s License ng LTO.
Ayon kay Artes, umaasa itong dahil pinataas na ang multa ay mas madisiplina na ang mga motorista at hindi na dumaan sa EDSA Bus lane lalo kung hindi naman awtorisado.
Kaugnay nito, sumulat na rin si Artes kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista para naman malinaw ang polisiya sa mga red plate vehicle na dumadaan sa EDSA Busway. | ulat ni Merry Ann Bastasa