Hindi rin nakalusot sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) maging ang ilang mga pulis na hindi awtorisadong dumaan sa EDSA Bus lane.
Karaniwan sa mga nahuhuling pulis, mga nakapribadong sasakyan na anila ay nagmamadali kaya nagbabakasakali sa exclusive city bus lane.
Paglilinaw ng MMDA, tanging mga pulis na gamit ang marked vehicle ang pinapayagan sa EDSA Bus lane.
Ayon naman kay MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit head Col. Bong Nebrija, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police (PNP) sa mga pasaway na mga tauhang dumadaan ng EDSA Bus lane.
Nakatakda na aniyang isumite rin ng MMDA sa PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ang listahan ng mga pulis na kanilang nasita sa EDSA Carousel lane.
Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng MMDA sa EDSA Bus lane kung saan karamihan ng nahuhuli ay mga nakamotorsiklo.
Bukod sa mga pulis, napangaralan din ni MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit head Col. Bong Nebrija ang isang tauhan ng MMDA na kasama sa nahuling dumaan sa EDSA Bus lane. | ulat ni Merry Ann Bastasa