Ipinunto ni Senador Raffy Tulfo ang ilang ulat ng mga iregularidad na kinasasangkutan ng ilang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa naging budget deliberation ng Senado sa panukalang 2024 budget ng DENR, kabilang sa mga sinita ni Tulfo ang diumano’y katiwalian sa pagsasagawa ng cadastral survey program o ang sistematikong survey ng isang munisipalidad para matukoy ang claim ng mga landowners na magagamit na batayan sa titulo o patents.
Ayon sa senador, bago maaprubahan ng ahensya ang survey ng contractor ay kailangan itong pirmahan ng opisyal ng DENR at dito na nagkakaroon ng bayaran ng hanggang 30% na komisyon.
Aniya, hindi mangyayari ito kung mayroon sanang nakatalagang supervisor ang DENR sa ground na siyang magmo-monitor ng proseso.
Bukod dito, tinanong rin ni Tulfo ang mga foreign trips ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na umabot aniya sa 13 simula nang maitalaga itong kalihim.
Paliwanag naman ng sponsor ng panukalang budget ng DENR na si Senadora Cynthia Villar, ang ilan sa mga foreign trips ng kalihim ay personal trips niya habang ang iba ay mga ministerial level conferences na kailangan talagang daluhan mismo ng DENR secretary. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion