Suportado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inilunsad na Green Energy E-Transport Program (GEEP) ng kumpanyang Basic Energy Corporation (BEC).
Sa inisyatibong ito, isinusulong ang pagbuo ng mga pampublikong sasakyan na ligtas, mabisa, at mabuti para sa kalikasan.
Dumalo si LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz III sa pulong kasama ang ilang kinatawan ng BEC kung saan present din si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, at iba pang mga prominenteng grupo na nagsusulong sa sustainable energy at kalidad na serbisyo sa pampublikong transportasyon.
Partikular na ipinasilip ng BEC ang ilang “electronic jeepney” na mayroong itsurang modern at “iconic traditional-look.”
Tampok din dito ang pakikipag-ugnayan ng BEC sa iba pang korporasyon na magkakaloob ng charging stations at magkakabit ng rooftop solar panel sa mga pampublikong sasakyan.
Gayundin ang paghingi ng suporta sa iba’t ibang retail station dealer upang magkaroon ng sapat na espasyo para sa pagkabit ng solar panel, basic recharge station, at parking para sa mga electronic na pampublikong sasakyan.
Ayon kay Chairperson Guadiz, napakahalaga ng programang ito hindi lamang sa gitna ng pagpapatupad sa Modernization Program kundi maging sa paglutas ng problema ng Pilipinas sa kalikasan.
“Magandang hakbang ang GEEP lalo’t kapwa tumutugon ito sa ilang suliranin na kinakaharap ng bansa sa sektor ng transportasyon, enerhiya, at kalikasan,” pagbibigay-diin ni Guadiz.
Kaugnay nito, hiniling naman ng BEC ang suporta mula sa DOTr at LTFRB upang makakuha ng hindi bababa sa 82 na mga prangkisa para makapagpakalat ng e-buses sa iba’t ibang probinsya sa bansa sa loob ng limang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa