Hinihintay na lamang ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang official request na magmumula sa Secretary General ng House of Representatives, kaugnay sa kanilang kampaniya laban sa mga gumagamit ng protocol plates o iyong plaka na otso ang numero.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MMDA Acting Chair Romando Artez na bagamat ang plate number na otso ay nakalaan talaga para sa mga kongresista, ang problema aniya, para sa kasalukuyang kongreso, hindi naman nag-isyu ang pamahalaan ng protocol plates.
“So, hinihintay ko iyong kaniyang formal na request sa atin, iminanifest po natin sa kaniya iyong ilang mga concerns natin na sabi ko mas maganda na nakalagay in black and white para maiwasan iyong kalituhan – iyan iyong magamit ng ating mga enforcers in case na mag-apprehend tayo ng sinuman na gumagamit nitong otso na protocol plates.” — Artez.
Ibig sabihin, lahat ng gumagamit ng plaka na otso ang numero, ay hindi awtorisado, kahit pa kasalukuyan itong nakaupo sa pwesto.
Sabi ng opisyal, ang formal request na ipapadala sa kanilang opisina ng House Secretary General ang magsisilbing basehan, para sa panghuhuli ng mga gumagamit ng numerong otso na protocol plates.
“Ni-request niya po sa atin sa MMDA na tulungan sila na i-apprehend ito pong gumagamit ng otso na plaka at makuha po iyong mismong plate para po huwag mag-proliferate, huwag pong magamit sa pang-aabuso whether or not sitting congressman iyon pong gumagamit.” — Artez. | ulat ni Racquel Bayan