Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hihingiin niya ang gabay ni Executive Secretary Lucas Bersamin para talakayin ang isyu ng posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang myembro ng International Criminal Court (ICC).
Sa press briefing sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Remulla, na nais niyang malaman ang magiging posisyon ng pamahalaan kung dapat na bang pag-aralan na bumalik na uli sa ICC ang ating bansa.
Walang binanggit si Remulla kung kailan niya kakausapin si Sec. Bersamin tungkol dito.
Ang hakbang na ito ng Kalihim ay bunsod na rin ng mga resolution na tinatalakay ngayon sa Kamara na humihikayat sa Marcos Jr. administration na bumalik uli ang Pilipinas sa ICC.
Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng DOJ ang magiging posisyon nito kung dapat ba o hindi na maging miyembro tayo ng ICC.
Binigyan diin niya, bahagi ng foreign policy ang anumang magiging desisyon ng Malacañang sakaling muling babalik ang Pilipinas.
Pero sa ngayon, nananatili ang posisyon ng DOJ, anumang usapin sa loob ng Pilipinas ay dapat ito ang reresolba at hindi kailangan manghimasok ng sinumang dayuhan. | ulat ni Michael Rogas