Kinilala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamagitan ng isang Hero’s Welcome ang kabayahinang ipinakita ni Angelyn P. Aguirre hanggang sa huling mga sandali nito sa bansang Israel.
Ang programa ay ginawa sa tahanan ng pamilya ni Aguirre sa Barangay Balagan, Binmaley, Pangasinan at personal na pinangunahan nina OWWA Administrator Arnaldo Ignacio at Department of Migrant Workers OIC Hans Leo Cacdac.
Dumalo rin sa Hero’s Welcome para kay Aguirre si Pangasinan Governor Ramon Guico III at ilang mga lokal na opisyal ng bayan ng Binmaley sa pangunguna ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III.
Dito ay iniabot na rin ng OWWA ang ilang mga benepisyong handog nito kay Aguirre sa mga naiwan nitong kaanak.
Kinabibilangan ito ng Death and Burial Benefits na nagkakahalaga ng P220,000, ELAP Grant na nagkakahalaga ng P15,000, bukod pa sa funeral service package at bayad para sa mga gastos para sa pagbyahe ng mga labi ng nasawing OFW.
Nag-abot din ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P100,000 si Governor Ramon Guico III at ang mga lokal na opisyal ng bayan ng Binmaley.
Naghayag naman ng kanilang pasasalamat ang mga kaanak ni Aguirre sa OWWA, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at sa LGU Binmaley para sa lahat ng tulong na naipagkaloob at ipagkakaloob pa sa kanila. | via Ruel L. de Guzman| RP1 Dagupan