Upang masiguro ang seguridad ng website at iba pang online feature ng Kamara, ay isang Cybersecurity Committee ang binuo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Magsisilbing chairperson nito si House Secretary General Reginald Velasco at vice-chairperson naman si House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas.
Kabilang naman sa miyembro nito ang tatlong deputy secretary general mula Legal Affairs, Finance, at Administrative Divisions.
Tugon pa rin ito sa nangyaring hacking sa website ng House of Representatives noong nakaraang buwan.
Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ang insidente at sinasabayan na nila ng security measures.
Isa na rito ang pagpapatupad ng computer shutdown policy bilang bahagi ng pagpapaganda ng network security.
Salig sa kautusan mula sa secretary general inaatasan ang mga empleyado na tiyakin na nakapatay ang computer, printer, scanner, at iba pang electronic equipment sa kanilang tanggapan pagkatapos ng trabaho.
“The shutdown and unplugging of equipment should be done not later than 7:30 p.m. or after end of session. The Information and Communications Technology Service (ICTS) shall disconnect all equipment connections from the HRep network accordingly,” saad sa memorandum.
Kung mayroong empleyado na mag-o-overtime, ang naturang tanggapan ay kailangang mag-request sa ICTS upang magkaroon ng access ang naturang empleyado sa network ng HRep at magiging liable ito sa seguridad ng account, ayon sa memorandum. | ulat ni Kathleen Jean Forbes