Handang tumalima ang Kamara sa anomang magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungkol sa posibleng pagsali muli ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Sa interview ng Radyo Pilipinas kay Speaker Martin Romualdez sa Asia Pacific Parliamentary Forum natanong kung ano ang posisyon nito sa pahayag ng Pangulo.
Tugon ni Romualdez, kung ito ang pahayag ng pangulo ay igagalang nila ito at tatalima sila sa kung ano mang polisiya ang kaniyang ilatag patungkol dito.
“We will take it as is. We will follow. We will follow the policies.” ani Speaker Romualdez
Matatandaan na naging mainit muli ang usapin ng ICC dahil sa isang resolusyong inihain sa Kamara para himukin ang mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.
Sa panayam kay Pangulong Marcos kaninang umaga sa Taguig, sinabi ng presidente na ‘under study’ pa kung kailangan pa bang bumalik muli ng Pilipinas sa ICC. | ulat ni Kathleen Forbes