Pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon na nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa hindi matatawarang suporta na ibinigay nito sa Kapulungan.
Sa ilalim ng House Resolution 1436, inihayag ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pasasalamat kay Pangulong Marcos sa pagsuporta nito upang magawa ng Kamara ang mga panukala na layong paunlarin ang bansa.
Tinukoy sa resolusyon na mula ng manungkulan, itinulak ni Pangulong Marcos ang pagkakaisa at pagsasama-sama upang umunlad ang bansa.
“Through the unfailing guidance and decisive leadership of President Marcos, the House of Representatives triumphantly accomplished its sworn duty to enact vital legislative measures and pursue the President’s socio-economic agenda and SONA priority measures, and instituted the needed reforms to boost the economy, create more jobs and livelihood opportunities, and improve the living conditions of the Filipinos,” sabi sa resolusyon.
Nakasaad din sa resolusyon na sa kalahati ng termino nito ay naging katuwang ng Kamara ang Ehekutibo sa paglatag ng mga polisiya na magtataguyod sa prinsipyo ng integridad at may pananagutang pamamahala, pagpapalago ng ekonomiya, at pag-ahon sa mga Pilipino mula sa kahirapan.
Maliban dito ang maayos umanong relasyon ng Kamara kay Pangulong Marcos ay nagbalik sa tiwala ng publiko at nagpaganda ng imahe ng Mababang Kapulungan.
“The House of Representatives recognizes President Marcos’s esteemed ability to steer and inspire this august chamber to move forward as a dynamic, efficient, and focused government arm upon which the entire Filipino nation rests its trust, hopes, and aspirations,” saad pa sa HR 1436. | ulat ni Kathleen Jean Forbes