Pinuri ng isa sa mga lider ng House Committee on Agriculture and Food ang ulat na bumaba ng hanggang P10 ang kada kilo ng sibuyas.
Pagtitiyak nito na magpapatuloy ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagtugis sa mga hoarder at price manipulator.
Sinabi ni Quezon Rep. Jayjay Suarez na malinaw ang atas ni Speaker Romualdez na susuportahan ng Kamara ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ‘all-out war’ laban sa mga sangkot sa smuggling, hoarding at pagmamanipula ng presyo.
Ayon kay Suarez, patunay na epektibo ang pagkakaroon ng matibay na ugnayan ng ehekutibo at Kamara laban sa mga mapagsamantala at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa artipisyal na kawalan ng suplay ng sibuyas.
Kinilala rin ng mambabatas ang masinop na pagbabantay ng DA na nagresulta sa mas abot-kayang presyo ng sibuyas, bawang at patatas at iba pang bilihin.
Sinabi ni Suarez na dapat ipagpatuloy ng ehekutibo ang pagsasampa ng kaso at pagpapanagot sa mga sangkot sa kartel at siguruhin na makukulong ang mga ito. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes