Umabot na sa 47 mga barangay sa Zamboanga Sibugay ang idineklara ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) sa Rehiyon 9 na drug-free barangays sa lalawigan.
Ito’y matapos idineklara ng ROCBDC ang labintatlong mga barangay na “drug-cleared” barangays sa kasagsagan ng deliberasyon kanina.
Ang 13 mga barangay na idineklarang drug-cleared ay nagmula sa siyam na mga bayan ng Zamboanga Sibugay na kinabibilangan ng Diplahan, Imelda, Malangas, Payao, Siay, Naga, Ipil, Titay, at Tungawan.
Ayon kay Jury Rocamora, hepe ng PDEA-Zamboanga Sibugay Provincial Field Office, idineklara ng committee on barangay drug clearing ang labintatlong mga barangay dahil sa masinsinan nitong implementasyon ng anti-illegal drugs policy and programs na ipinatupad ng mga local government units (LGUs) sa kani-kanilang mga lokalidad.
Maaalala na noong buwan ng Hunyo nitong taon, 34 na mga barangay sa Zamboanga Sibugay ang unang idineklara ng komite na drug-free.
Ang mga ahensyang miyembro ng ROCBDC ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) , Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Provincial Local Government (PLGU), Local Government Unit (LGU), at marami pang iba.
Ang Zamboanga Sibugay ay mayroong 388 na mga barangay na siyang bumubuo sa labing anim na mga munisipyo ng probinsya na mariing tinututuka’t pinagsisikapan ng ROCBDC na maideklarang drug-free. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga