Sisiguruhin ng Kongreso ang agarang paglalabas ng pondo para tugunan ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga sinalanta ng 6.8 magnitude na lindol sa Southern Mindanao noong Biyernes.
Kasunod ito ng pagbisita ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo sa Sarangani at General Santos City nitong Linggo, salig na rin sa atas ni House Speaker Martin Romualdez para alamin ang lawak ng pinsala ng lindol sa naturang lugar at ano ang kakailanganin nilang tulong.
“I assure the people of Mindanao that the House of Representatives, in partnership with President Bongbong Marcos, would move to mobilize resources needed for rehabilitation and recovery aid in areas greatly affected by the 6.8 magnitude earthquake,” ani Romualdez.
Titiyakin din ni House Committee on Appropriations Chairperson at AKO Bicol Partylist Representative Zaldy Con na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para magamit ang Quick Response Fund (QRF) para sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga nasirang istruktura.
Ayon kay Tulfo, maraming nasirang tulay at kalsada, kabilang ang bahagi ng Glan Fish port.
Katunayan sa Sarangani pa lamang aniya ay tinatayang kakailanganin ng ₱200-million para sa pagsasaayos.
“Sa Sarangani pa lang ang initial estimate ₱200-milyon ang kakailanganin. Hinihintay pa natin ang ibang assessment pati sa General Santos City at Davao Occidental. Ilang daang milyong piso ang kakailanganin natin para sa ating mga kababayan,” ani Tulfo.
Pinangunahan naman ni Tulfo ang pamamahagi ng relief packs mula sa Office of the Speaker at Tingog Party-list kasama sina Sarangani Governor Rogelio “Ruel” Pacquiao at Sarangani Lone District Representative Steve Chiongbian Solon sa Glan Municipal Gymnasium.
Sinabi ni Tulfo na mamamahagi ang tanggapan ni Speaker Romualdez at ang Tingog ng construction materials sa mga residente na nasira ang bahay.
Nanawagan din ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magkasa ng livelihood initiatives para makatulong sa mga biktima ng lindol na nawasak ang tahanan.
Maliban sa Sarangani ay bumisita rin si Tulfo sa General Santos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes