Humakot ng maraming parangal ang Las Piñas City mula sa Department of Health – Center for Health Development matapos kilalanin ang pinakamahusay na pagtataguyod ng lungsod sa iba’t ibang programang pangkalusugan.
Tumanggap ang lungsod ng mga award para sa kanilang epektibong implementasyon ng Adolescent Health Development Program at ng National Immunization Program na maagap na hakbangin sa pagsusulong ng kalusugan ng kabataan at pagpapabuti ng immunization coverage upang mapigilan pagkalat ng mga sakit o karamdaman sa Metro Manila sa tulong ng mga bakuna.
Nakakuha rin ng parangal ang Las Piñas dahil sa dedikasyon sa maternal health sa pamamagitan ng National Safe Motherhood Program at mahalaga nitong kontribusyon sa Disaster Risk Reduction and Management ng kalusugan.
Bukod dito, kinilala rin ang Las Piñas sa epektibong pagtugon nito sa health emergencies partikular sa kasagsagan ng Handog Serbisyo Caravan.
Dagdag pa rito ang natanggap na pagkilala sa mga hakbang ng lungsod sa rabies prevention para makamit ang target na “rabies-free Philippines” sa taong 2030 at mga pagbabagong istratehiyang pangkalusugan at matagumpay na implementasyon ng Family Planning Program.
Ang nasungkit na mga parangal at pagkilala sa Las Piñas ay patunay sa magandang pamamahala at pangakong pagpapabuti sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente sa komunidad at sa mas malaking bahagi ng Metro Manila. | ulat ni AJ Ignacio