Malapit nang makinabang sa mas malaking diskwento sa bill ang mga low-income at low-consuming residential customers ng water concessionaire na Maynilad.
Ito ay sa ilalim ng Enhanced Lifeline Program (ELP) ng kumpanya na ipatutupad na simula sa January 1, 2024.
Ayon sa Maynilad, sa ilalim ng ELP, ang mga ‘regular lifeline’ customers na nasa marginalized sector tulad ng mga benepisyaryo ng 4Ps, o mga customer na mababa sa poverty line na nadetermina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay maaaring mag-apply para magkaroon ng mas mataas na diskwento sa kanilang water bills.
Sisimulan na sa November 13 ang aplikasyon para sa sa “Low-Income Lifeline” rate kaya hinihikayat ang mga kwalipikadong benepisyaryo na magtungo na sa alinmang Maynilad Business Area Office o Maynilad barangay Helpdesk para makapagsumite ng mga kinakailangang dokumento kabilang ang kumpletong application form, latest water bill, at Xerox ng 4Ps identification.
Para naman sa mga hindi 4Ps beneficiaries, kinakailangan lamang kumuha ng sertipikasyon mula sa local Social Welfare and Development Office at photocopy ng isang government ID.
Ang ELP ay tugon ng Maynilad sa panawagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office (MWSS-RO) na ma- extend ang diskwentong ibinibigay nito hindi lamang sa kanilang mga low-consuming customers kundi pati rin sa mga customer na nasa marginalized sector. | ulat ni Merry Ann Bastasa