Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na handa na rin ito sa tigil-pasada ng transport group na Manibela simula ngayong araw, November 22-24.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Celine Pialago, bilang standard operating procedure (SOP) ay nakipag-ugnayan muli sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at local government units (LGUs) para maalalayan ang mga pasaherong posibleng maapektuhan ng transport strike.
Dagdag pa nito, kung ano ang kanilang naging preparasyon sa transport strike ng PISTON ay ito rin ang ipatutupad sa strike ng MANIBELA.
Pagtitiyak rin ni Pialago, walang dapat ipag-alala ang mga commuter dahil patuloy itong magde-deploy ng mga libreng sakay para maaalalayan ang mga pasahero sakaling mahirapan silang sumakay.
Una na ring tinukoy ng LTFRB na bukas rin itong makipagdayalogo sa grupong MANIBELA kaugnay ng kanilang pananaw sa PUV Modernization Program. | ulat ni Merry Ann Bastasa