Umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa transport group na PISTON, na huwag nang ituloy ang ikakasang tatlong araw na tigil-pasada simula sa Lunes, November 20 hanggang November 23.
Sa pulong balitaan ngayong hapon, sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na patuloy nilang hinihimok si Ka Mody Floranda, chairperson ng PISTON, na lumapit sa kanilang tanggapan at pag-usapan ang kanilang mga hinanaing.
Ani Guadiz, ang pagsasagawa ng strike ay salungat sa kanilang pinag-usapan sa gobyerno dahil ang prangkisa ay isang pribileihiyo, at kapag itinuloy ang naturang strike ay maaaring masuspindi ang kanilang prangkisa.
Nilinaw din ni Guadiz, na walang katotohanan ang sinasabi ng PISTON na ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan ay layong tanggalin ang mga tradisyunal na jeep. Hindi naman aniya kailangang palitan ang sasakyan pero kailangan itong maging road worthy o pumasa sa standard ng LTO.
Giit ng opisyal, ang tanging hiling ng LTFRB ay mag-consolidate sila at bumuo ng kooperatiba o korporasyon pagdating ng December 31, 2023.
Dagdag pa ni Guadiz, hindi kailangan na matapos ang consolidation ng December 31 pero substantial compliance lang ang kailangan para kahit hindi pa tapos ay maikokonsidera na rin silang na-consolidate.
Bibigyan din ng mahigit dalawang taon ng LTFRB ang mga kooperatiba na makapag-modernize ng kanilang mga unit kapag natapos na nila ang mga rekisitos para sa pag-consolidate. | ulat ni Diane